WHAT'S NEW?
Loading...

#RememberYolanda: Sabi Nila


Sabi nila, alalahanin daw kita.

Ang laki-laki kasi ng nagawa mo para sa aming lahat. Ang laki-laki kasi ng epekto mo sa ’ming lahat. Ikaw yung dahilan kung bakit nagsimula ang bayanihan sa aming bayan. Ikaw yung nagpakalat ng kabutihan sa lahat ng mga mamamayan. Siguro kung wala ka, hindi kami ganito ngayon. Salamat ha? Salamat talaga.

Grabe, isang daan mo lang, ang daming leeg ang nabali.Ganyan ka kaganda! Ang ganda-ganda mo, leche ka. So natuwa ka na lahat, pinag-uusapan ka nung mga panahong ‘yon? Talk of the town ka, gurl! Teka, mali. Talk of the world. Ang galing mo! Ang galeng-galeng. Eh ginamit ka na ngang pampangalan sa mga tindahan at kung anu-ano pang mga lugar o produkto eh. Sa’n man ako pumunta, kilalang-kilala ka. Lahat, marinig lang ang pangalan mo, napapa-“aaah!” na agad. Ang sikat-sikat mo ‘no? Bakit ba kasi hindi ka na lang nag-artista? Dinamay mo pa kami. Dinamay mo pa kaming mga nananahimik. Dinamay mo pa kaming mga inosente. Dinamay mo pa kaming mga nais lang mabuhay nang disente. Dinamay mo pa lahat… noong nagdaang Nobyembre.

Sabi nila, alalahanin daw kita.

Kahit ayaw ko nga, leche, ‘di talaga kita makalimutan, as in! Pero ‘di naman kita namimiss. Hindi nga kita mahal eh, miss pa kaya? Akala ba nila natutuwa ako na lagi ka na lang kakabit ng pagkatao ko? Tipong kailangan pa maungkat ang nakaraan natin para lang makumpleto nila ang pagkakakilala sa ’kin? Hoy! Sino ka ba, ha? Hindi naman kita gusto. Hindi ko naman kailanman hiniling na mapunta ka dito sa mundong ‘to. Hindi ko naman kailanman hiniling na mahulog ka at tumama sa lupa. Kasi ang tanging dulot mo lang naman ay luha… at pagluluksa.

‘Di ko nga alam sa’n ka na napunta eh. Ang bilis mo dumating, ang bilis mo lang din umalis. Ganyan ka. Bigla-bigla ka na lang nang-iiwan. Tingin ko nga, para sa’yo yung kanta ni..Imelda Papin ba yun? Yung “kayrami ng winasak na tahanan, kayrami ng matang pinaluha, kayrami ng pusong sinugatan..” Oh tukso, layuan mo ako, sasapakin ko na ‘to! Ba’t ba kasi papansin ka, ha? Sa lahat-lahat ng pwedeng daanan, sa’min ka pa dumaan. Tsaka wala pang respeto. Dadaan lang naman, nanggulo pa. Nagkalat ng mga basura. Naglaro ng tubig kaya bumaha. Namutol ng mga puno. Nangalbo ng mga bundok. Nanuklap ng mga bubong. Para kang bata. Lahat, pinaglaruan. Kinulong. Inanod. Nilunod. Tinusok. Binalatan. Binombahan. Na parang gulong. Oo, ang buhay ng tao, parang gulong. Pero bakit kailangang sa ganito humantong? Bakit ka ganyan, ha, bakit ka ganyan?! Bakit mo ginawa ‘to sa aming bayan?

Sabi nila, alalahanin daw kita.

Eh anong magagawa ko, maaalala’t maaalala lang naman talaga kita?

Sabi nila, alalahanin daw kita.

Sabi nila, alalahanin daw kita.

Sabi nila, alalahanin daw kita.

Sabi nila, kahit ayaw na rin sana nilang maalala.


***
This essay for #RememberYolanda is written by Jennifer Ebdani.

0 comments:

Post a Comment