WHAT'S NEW?
Loading...

Essay: Kaping Mainit... Na Katotohanan

mainit na kape | oble square by up cebu tinta

Magtitimpla ka ng kape ngunit pagtingin mo sa mesa’y walang asukal. May nakita kang lalagyan sa lababo, “oy, asukal”; pagbukas mo’y nilalanggam. Naghanap ka pa sa buong kusina ngunit wala, wala na talaga. Kailangang kailangan mong magkape kaya sige, nagtimpla ka na lang kahit walang asukal. Anong lasa? Mapait. Ganyan ang buhay ng mga Pilipino sa perlas ng Silangan na kung tawagin ay Pilipinas.

Kanina lang kapeng-kape ako. Sobra. Kaya medyo gipit man, hindi ko natiis; sinagot ko ang tawag ng aking katauhan. Pumunta ako sa lugar kung saan inasahan kong maging mapayapa at doon nagpatimpla ng medyo matamis na kape. Swerte ako, may asukal. Inihatid na sa’kin at hindi ko muna ginalaw kasi may sinusulat pa ako. Tapos maya-maya tinikman ko na. Okay naman. Pero mapait. Mapait ang paligid, hindi ang kape. Ang ingay ng mga nagtitimpla ng kape, dakdak nang dakdak, mas malakas pa ang mga tawa kesa sa mga pinagtimplahan nila. Sa totoo lang ha, hindi nga pagtawa ang sadya doon ng mga nagkakape eh. Katahimikan. Yun ang hanap namin. Matamis na katahimikan. Pero hindi eh, mapait doon, sobrang pait. Kasing pait ng itim na kapeng tinimpla ng tagatimplang ang itim ng budhi. Ang itim ng plano. Ang itim ng sadya. Masyadong maitim kaya hindi ko masyado nakita. Hindi ko masyadong napansin. Nandaya. Dinagdagan ang presyo ng pinatimpla kong kape. Hindi ibinalik ang tamang halaga ng sukling dapat ay akin. Ang pait ah. Pasalamat siya’t matamis ang puso ko, hinayaan ko na lang. Ngunit hindi ‘to pinalampas ng isipan kong gumagana. Itinabi ko muna ang kape kasi nagutom ako. Ako’y gutom sa kaayusan at kasaganahang inaasam ko para sa aking bayan. Kaya sinimulan kong hiwa-hiwalayin sa bawat isang butil ang malagkit na kanin na ikinabubuhay ng bawat tao sa lansangan. Ng bawat tao sa ilalim ng tulay. Ng bawat taong nabubuhay sa kaning itim. Itim. Kasi sunog. Sunog. Kaya mapait. Mapait. Kasi maitim. Maitim ang budhi ng bawat isang tagapagsaing ng bigas para sa mga pakakaining mamamayan. Mamamayang bubuhayin. Bubuhaying bossing.

Tumigil ako sa paghiwa-hiwalay ng malagkit na kanin. Masyadong mahirap. Kasi malagkit ang nasa loob ng kaldero hindi dahil bagong luto’t mainit kundi dahil panis na ito’t masyado nang masama ang amoy. Masyado nang hindi mabuti ang kalagayan. May naisip ako. Ipaparating ko sa mga tagapagsaing ang mensaheng kailangan nang magsalok ng bigas na lulutuin. Naabot sila ng tinig ko. Narinig nila. Walang binging tagapagsaing. Ang sabi ng isang tagapagsaing, wala na raw bigas. Sumilip ako sa kusina niya’t nakita ko ang sako-sakong mga butil. Ngunit hindi ako nakapagsalita dahil tinutukan niya ako ng baril. Pumunta ako sa isa pang tagapagsaing at binigyan niya ako ng isang basong butil. Ang sabi niya’y iyon na lamang ang natitira’t wala ng iba. Sumilip ako sa kusina niya’t nakita kong may siyam pang baso ng butil. Ngunit hindi ako nakagalaw dahil tinutukan niya ng kutsilyo ang aking tagiliran. Nakatakbo ako’t nakarating sa huling tagapagsaing. Ang sabi niya’y ipinapangako niyang punuin ang kaldero’t magsasaing. Nagpasalamat ako’t sa wakas ay nakahanap na ako ng maputing budhi. Ipinakita niya sa akin ang kanyang mga espesyal daw na “recipe” para maging masarap ang kanin. Ang dami. Ang dami masyado hanggang natuwang-natuwa na ako’t nasabik. Ang sabi niya maghintay lang daw ako pagka’t inihahanda pa niya ang mga panggatong. Kaya naghintay ako. Naghintay nang naghintay. At naghintay. Ng naghintay. Gutom na gutom na ako. Lumapit ako sa tagapagsaing at nagsabing “Matagal pa po ba?” Ang sabi niya’y maghintay lang nga raw. Maghintay pagka’t nangako siya. Isinulat pa nga raw niya eh. Kaya naghintay na lang ako.

Naghintay pa rin ako, kasama ang iba pang mga gutom na gutom na talaga. Tinanong nila ako kung bakit nga ba talaga ang tagal. Ang sabi ko: “Wala pa nga raw panggatong.” Dumating ang isang gutom at sabi niya: “Galing ako sa kusina ng tagapagsaing. Maraming panggatong doon.” Ang sabi ko: “Baka sa unang tagapagsaing ka pumunta?” Hindi raw. May dumating na isa pang gutom. Ang sabi niya: “Galing ako sa kusina ng tagapagsaing. Nakapatong na ang kaldero sa mga panggatong, ngunit wala pang apoy.” Ang sabi ko: “Baka sa pangalawang tagapagsaing ka pumunta?” Hindi raw. Nagkagulo na ang lahat. Ano raw ba talaga ang problema? Makakakain ba talaga kami? May bigas na. May panggatong na. “Ipagsasaing ba talaga tayo?!” sigaw ng isang gutom. Sumagot ako: “Maghintay nga lang daw tayo. Nangako siya. Nangako siyang ipagsasaing tayo at masarap na masarap pa nga ang mga recipe niya.” May dumating na namang gutom. Ang sabi niya: “Galing ako sa kusina ng tagapagsaing. Nakita ko ang mga recipe.” Nagtanong ang lahat kung nasaan. “Nasa dingding! Nakapako,” sagot niya. 

Galit na galit na ang lahat. Nagsisigawan na. “Niloloko lang tayo! Sinungaling ‘yang mga tagapagsaing na ‘yan! Walang kwenta ang mga pangakong ‘yan! Nasaan na ang sinaing?! Nasaan na ang masarap na sinaing?!” Natauhan na rin ako’t nakisabay sa pagsigaw. Palakas nang palakas na ang aming mga sigaw. “Amin ang bigas! Amin ang panggatong! Amin ang sinaing! Amin ang masarap na sinaing!” Hindi kami tumigil. Lahat na kami ay sumisigaw at itinataas ang mga kamao. “Amin ang bigas! Amin ang panggatong! Amin ang sinaing! Amin ang masarap na sinaing!” Buong-lakas na naming ginamit ang tanging magagamit namin—ang aming mga boses. “Amin ang bigas! Amin ang panggatong! Amin ang sinaing! Amin ang masarap na sinaing!” Hindi nagtagal ay biglang umapoy ang mga panggatong. 

Nasaksihan namin ang liwanag. Kasingliwanag ng pagsikat ng araw sa Silangan. Silangang kaypula. Kasingpula ng aming mga matatapang na loob. Umaalab. Lumiliyab katulad ng nagsisiklab naming mga puso. At doon namin nalaman, kami ang apoy. Kami ang kailangang sama-samang sumigaw. Sumigaw gamit ang aming mga tinig. Kumilos at hindi basta umasa na lamang sa mga sinungaling, manloloko’t sakim na mga tagapagsaing. “Amin ang bigas! Amin ang panggatong! Amin ang sinaing! Amin ang masarap na sinaing!” Ngayo’y hindi na kami magugutom. Masagana, malinis at masarap ang aming sinaing; pagka’t ito’y ipinaglaban namin. 

Nagising ako. Naalala kong nagutom pala ako. Ngunit tinulugan ko lamang ito, kagaya ng bawat isang Pilipino. Pero naalala ko, may kape pa pala ako. Ito lang ang tanging maiinom ko, kagaya ng bawat isang Pilipino—Pilipinong kaldero at panggatong lang ang nakalaan, tubig lang ang pakukuluan, kape lang ang pagtiya-tiyagaan, mapait man pagka’t hindi maasukalan—mainitan lang ang tiyan.


***
This Filipino essay is written by Jennifer Ebdani.

0 comments:

Post a Comment